Pakikiramay sa mga iniwan ni Tiya Dely
Nais kong ipaabot ang aking pakikiramay sa mga kamag-anak, kaibigan at mahal sa buhay ni Fidela Magpayo--kilala nating lahat bilang si Tiya Dely. Hindi mapasusubalian na si Tiya Dely ay naging isa sa mga pinakamatatag na institusyon ng radyong Pilipino sa loob na nakaraang halos pitong dekada. Kapuri-puri ang kanyang sipag at patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga tagapakinig sa kabila ng kanyang abanteng edad, na natigil lamang nang magka-stroke noong Sabado. Ang kanyang pagpanaw ngayong araw ay ikinalulungkot ng milyun-milyon niyang tagapakinig, kabilang na ang inyong lingkod.
Sa baryo, bukid, bundok o saan man mapadpad ang inyong lingkod, ang malambing na boses ni Tiya Dely ay isa sa lagi nating napakikinggan sa hapon at pamamahinga sa gabi. Palagi kong sinusubaybayan ang kanyang nakagigiliw na mga drama at awitin at pagbibigay ng payo. Isang karangalan para sa akin nang minsa'y masiglang nakatalakayan ko siya tungkol sa wika, kultura at buhay at magkasaliw naming awitin ang "Lumang Simbahan" sa radyo.
Ang di malilimutang tinig ni Tiya Dely ay tiyak na ating hahanap-hanapin sa tuwing bubuksan natin ang radyo. Ang kanyang pangalan at alaala ay mananatiling nakatatak sa kamalayan ng mamamayang Pilipino.
(Pinirmahan ni)
Gregorio “Ka Roger” Rosal
Tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas
Setyembre 1, 2008